Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, sinagot ang mga Marites

Nagbigay ng pahayag ang celebrity couple na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla sa social media sa gitna ng mga isyu tungkol sa kanilang relasyon.

Mayroon kasing blind item online na nag-viral na ginamit ang mga initials na DP at KB, parehong inisyal ng pangalan nina Kathryn at Daniel. Ang blind item ay tungkol sa paghihiwalay ng isang sikat na celebrity couple na ayon pa sa report ay iaanunsyo sa takdang panahon.

Dahil sa mga kontrobersyal na inisyal na ginamit ay naglaro ang malilikot na imahinasyon ng mga netizens. Ngunit ganun din naman kabilis ang kampo ng Kathniel para ibasura ang tsismis. Ayon pa sa kanila, wala itong katotohanan.

Credit: Kathryn Bernardo/Instagram

Ayon naman sa ulat ng ABS-CBN reporter na si MJ Felipe ay nakausap niya ang ilang mapagkakatiwalaang source at mariing itinanggi ng mga ito na sina Daniel at Kathryn ang tinutukoy ng blind item.

At kamakailan lang ay nag-post si Kathryn ng ilang larawan na kuha mula sa kanilang bakasyon sa Thailand. Kinabitan niya ito ng caption na “Kapayapaan” at sa comment section ay isinulat ni Daniel ang “Kapayapaan at Katahimikan.”

Mag-iisang dekada na sina Daniel at Kathryn. Bukod sa naging matibay ang kanilang real life relationship ay kabilang din sila sa pinakamatagumpay na love team sa bansa. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nasangkot sila sa breakup rumors.

Share this article
Erie Swan