ABS-CBN executive na si Carlo Katigbak, namataan sa BBM HQ?

May usap-usapan na nakita si ABS-CBN executive Carlo Katigbak sa loob ng headquarters ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Mandaluyong City.

Ang Kapamilya network ay dumaan sa isang delubyo nitong nakaraang dalawang taon. Ang aplikasyon nito para sa pag-renew ng prangkisa ay tinanggihan at dahil dito ay marami ang naapektuhan hanggang sa mga empleyado, at mga talents nito.

Sa kabila ng malaking problemang iyon na naranasan at nararanasan pa ng Kapamilya network sa ngayon ay patuloy pa rin itong nagbibigay ng mga palabas at aliw sa kanilang mga masugid na manonood. Pinasok din kasi nila ang iba’t ibang social media platform para lamang maipakita ang kanilang mga palabas.

Sa mga nakaraang panayam ay sinabi ni BBM na hindi siya tutol sa franchise renewal ng Kapamilya network, basta lahat ay gagawin sa ilalim ng batas. Tila, nangangahulugan ito ng pag-asa para sa kumpanya.

Kamakailan lang ay lumabas ang tsismis na pumunta si Carlo Katigbak sa BBM Headquarters sa Mandaluyong City. Base sa artikulo ng columnist ng Abante Entertainment na si Joe Barrameda, may nagkwento diumano sa kanya na namataan ang top executive ng ABS-CBN sa kampo ng incoming President.

Ayon kay Joe, “May nagkuwento sa akin na noong isang araw raw ay namataan si Mr. Carlo Katigbak, big boss ng ABS-CBN, sa BBM Headquarters sa Mandaluyong City.”

Sinabi ni Joe na may nagtanong sa guwardiya kung sino ang dumating sa headquarters at “Carlo Katigbak” daw ang sagot nito.

Gayunpaman, sinabi ng kolumnista na wala pang karagdagang detalye ang nabunyag tungkol dito. “Wala pang masyadong detalye at magtatanong-tanong pa lang ako sa kampo ni BBM. Abangan na lang natin `yan, ha?” dagdag. pa niya.

Samantala, napabalita naman na ang Kapamilya network ay nakatakdang magkaroon ng 50-50 partnership deal sa media company ni Manny V. Pangilinan na MediaQuest, ang nasa likod ng TV5.

“We continue to explore various partnership opportunities as they become available to us,” ayon pa sa pahayag ng ABS-CBN.

You may also like

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.