Ibinahagi ni Andrew E ang mga paghihirap na kanyang pinagdaanan bago ito naging kilala sa showbiz
Naalala ng rapper na si Andrew E ang panahon na sumali siya sa ilang audition kasama na ang ginawa niya para sa That’s Entertainment at Coca-Cola.
Pinangalanan si Andrew bilang unang rapper sa Pilipinas. Sa paglipas ng panahon ay nakarating na sa bawat sulok ng bansa, maging overseas, ang kanyang mga kanta at maging ang kasalukuyang henerasyon ay napapaindak pa rin sa kanyang mga hit songs.
Mula sa music scene ay na-penetrate din ni Andrew ang eksena ng pelikula. Kabilang sa kanyang mga box-office movies ay Alabang Girls, Banyo Queen at Mahirap Maging Pogi.
Gumawa din siya ng mga palabas sa TV noong araw. Sa kanyang tagumpay sa industriya ng entertainment ay binalikan ni Andrew kung paano siya nagsimula.
Sa isang episode ng Toni Talks, ang YouTube talk show ng actress-host na si Toni Gonzaga ay inalala ni Andrew ang panahon na nag-audition siya para sa That’s Entertainment. Noon, wala pang rapper sa Pilipinas at iilan lang sa mga Pilipino ang nakakaalam ng ganoong genre ng musika.
Nang tanungin daw ni Kuya Germs, German Moreno, kung ano ang talent niya, ang sagot niya ay ipapakita na lang daw niya ito dahil hindi siya marunong kumanta, sumayaw, o umarte. Ilang saglit pagkatapos niyang mag-rap, sinabihan ni Kuya Germs si Andrew na huminto na at sinabihang maupo sa isang sulok.
Ang sumunod na showbiz aspirant na nag-audition pagkatapos ni Andrew ay ang magandang si Donita Rose na tinanong din tungkol sa kanyang talento. Sinabi rin ni Donita na hindi siya marunong kumanta, sumayaw, at umarte. Gayunpaman, pumasa si Donita sa audition. Makalipas ang ilang taon, ibinahagi ni Andrew ang kuwentong ito kay Donita at natawa na lamang daw siya nang husto nang malaman ang kwento tungkol dito.
Watch the full video here:
May time din na nag-audition si Andrew para sa isang Coke commercial. Nang tanungin niya ang guwardiya ay sinabihan siyang pumunta sa ikatlong palapag. Pagdating niya sa lugar ay may nakita siyang boardroom at pagpasok niya ay agad niyang ginawa ang kanyang rap piece para sa Coca-Cola. Nagulat daw ang lahat sa boardroom sa ginawa ni Andrew kaya may pumindot ng secret button hudyat para palabasin siya ng security guard.
You may also like: