Sandro Marcos at Alexa Miro, kumpirmadong may relasyon

Kinumpirma ng kampo ni Alexa Miro na karelasyon ngayon ng aktres si Ilocos Norte Representative at presidential son Sandro Marcos.

Si Sandro ang panganay na anak ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. Ito rin ang kauna-unahang pagsabak ni Sandro bilang isang politiko.

Simula nang makilala siya ng publiko ay marami nang mga kababaihan ang nahumaling sa 28-anyos na political neophyte. Marami din sa kanila ay gustong malaman ang estado ng kanyang lovelife.

Akala ng iba ay si Barbie Imperial ang special someone ni Sandro matapos sabihin ng aktres na close sila. Pero magkaibigan lang talaga sila, at wala daw malisya ‘yun. Sa nakaraang vlog ni Barbie ay naging biktima ng prank niya si Sandro at tinanong ang binata kung pwede ba siyang makitira sa kanilang bahay.

Nag-viral kamakailan ang status ng relasyon ni Sandro matapos makunan ang small talk nila ni Bacoor City Representative Lani Mercado sa Facebook live kamakailan ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. Sa video ay makikita ang batang Marcos na nakikipagkamay kay Lani.

Sabi ni Lani kay Sandro: “Hello Sandro! Ang girlfriend mo pala is taga-Tacloban? Na-kwento ni Bryan sa akin.”

Sagot naman ni Sandro: “Yes po. Pero atin-atin lang yan ah.”

Sumabat naman si Sen. Bong nang: “May sikreto ka ha!” sabay tawa.

Ang viral video nina Lani at Sandro ang nag-udyok sa mga netizens na alamin ang pagkakakilanlan ng mystery girl at kabilang sa mga pangalang nabanggit ay ang starlet na si Alexa Miro.

Credit: Alexa Miro/Instagram

Base sa ulat ng Philstar ay kinumpirma ng kampo ng young actress na kasalukuyang nasa dating stage na sina Alexa at Sandro. Nagsimula ang relasyon ng dalawa noong nakaraang taon pero ginawa nila itong pribado dahil may mga hindi pabor sa kanilang relasyon. Pero wala raw nagawa ang mga taong ito dahil mukhang ipinaglalaban ng dalawa ang kanilang pagmamahalan.

Ayon sa ulat ay nagdesisyon sina Alexa at Sandro na huwag maging open sa social media tungkol sa kanilang relasyon. Ibinahagi din ng kampo ni Alexa na noong nakaraang halalan ay tinulungan niya ang kampanya ni Sandro. Kararating lang daw ng dalawa mula sa ilang linggong bakasyon sa Europa, at mukhang masaya naman sila.

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.