Pres. Rodrigo Duterte may pakiusap kay incoming Pres. Bongbong Marcos

May pakiusap si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa papasok na administrasyon ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Nakatakdang magtapos ang termino ng kasalukuyang administrasyon sa Hunyo 30. Si Marcos ay manunumpa bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa Philippine National Museum. Nagpapatuloy naman ngayon ang malawakang paghahanda para sa kanyang nalalapit na inagurasyon.

Dati nang ipinahayag ni Duterte na handa na niyang lisanin ang Malacañang. Bago pa man ang halalan noong Mayo ay ipinahayag na niya ang kanyang pananabik sa pagtatapos ng kanyang termino.

Nakatuon ang kanyang administrasyon sa problema sa droga at katiwalian sa bansa. Ilang drug personalities na rin ang nahuli sa ilalim ng Duterte administration. Sinibak din ang maraming kawani at opisyal ng gobyerno na naugnay sa mga katiwalian.

Nauna nang nagpahayag ng pag-asa si Duterte na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang giyera kontra droga. Bukod sa problema sa droga at katiwalian sa bansa, binigyang-priyoridad din ng administrasyong Duterte ang “Build, Build, Build” project.

Batay sa ulat ng ABS-CBN, ay muling sinabi ni Duterte na umaasa siyang magtatagumpay ang admistrasyon ni Marcos. Sa talumpati sa Davao City ay ipinahayag rin ng outgoing Chief Executive ang kanyang pag-asa na ipagpapatuloy ni Marcos ang mga proyekto ng kanyang gobyerno na nagpapasaya sa mamamayang Pilipino.

Samantala, sinabi ng Pangulo na bahala na ang kanyang mga kaalyado sa senado na sina Sen. JV Ejercito at Sen. Bong Go para ialok kay Marcos ang pagpapatuloy ng kanyang mga programa. Ayon kay Duterte, bagama’t hindi lahat ng kasalukuyang programa ay itutuloy, ngunit umaasa siyang makikita ng taumbayan kung ano ang ginagawa ng gobyerno sa pondo ng bayan.

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.