Toni Gonzaga, kakanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa Inauguration ni Pres BBM

Ang aktres at host na si Toni Gonzaga ang naatasan na kumanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa inagurasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Hunyo 30.

Nauna nang naiulat na ang importanteng kaganapan ay gaganapin sa Philippine National Museum sa Maynila. Sinabi ni Presidential Management Staff Secretary Zenaida Angping sa isang ulat mula sa CNN Philippines na ang gusali at ang mga nakapalibot na lugar ay ang perpektong pagdarausan ng inagurasyon.

Pansamantalang isinara ang National Museum noong Hunyo 6 hanggang Hulyo 4 para sa paghahanda ng nasabing kaganapan.

Credit: Toni Gonzaga/Instagram

Sa isang kamakailang ulat mula sa Inquirer ay sinabing si Toni, isa sa mga celebrity supporters ng UniTeam, ang kakanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas. Noong panahon ng eleksyon, kabilang si Toni sa mga kilalang personalidad na nangampanya para kay PBBM at sa kanyang running mate na si incoming Vice President Sara Duterte-Carpio.

Siya rin ang nag-host ng proclamation rally ng UniTeam at mula noon ay lagi na siyang sumasama sa mga campaign rally sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang kanyang asawa, ang award-winning director na si Paul Soriano ang siya namang nagdirek ng mga political ads ni PBBM.

Credit: Toni Gonzaga/Instagram

Sinabi naman ng kampo ni incoming President Marcos na ang inagurasyon ay magiging isang taimtim at simpleng kaganapan. Ang singer at aktres na si Cris Villonco at ang Young Voices of the Philippines choir ang kakanta ng Pilipinas Kong Mahal. Sinabi rin ng kampo ni Marcos na magkakaroon ng 30 minutong military-civil parade sa araw ng inagurasyon.

Ang ilan pang mga Presidente na nagsagawa ng kanilang inagurasyon sa National Museum ay sina Manuel L. Quezon noong 1935, Jose P. Laurel noong 1943, at Manuel Roxas noong 1946.

Share this article
Erie Swan