Karla Estrada hahawak ba ng posisyon sa Department of Tourism?

Napabalitang hahawakan ng aktres at TV host na si Karla Estrada ang isang posisyon sa Department of Tourism matapos opisyal na umalis sa Kapamilya talk show na Magandang Buhay.

Si Karla ang orihinal na host ng morning talk show ng ABS-CBN kasama sina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros. Nagpahinga siya sa kanyang pagiging host nang tumakbo siya bilang kinatawan sa ilalim ng Tingog Party List.

Pinalitan ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez si Karla noong panahon ng eleksyon. Dahil naging abala si Regine para sa kanyang Iconic concert series kasama si Megastar Sharon Cuneta ay kinailangan na rin niyang umalis sa morning talk show. Dahil dito, ang Reyna ng Soap Opera na si Judy Ann Santos ang nagsilbing guest co-host.

Credit: Karla Estrada/Instagram

Kamakailan lang ay nagbahagi si Karla ng larawan kasama sina Melai at Jolina at nagdulot ito ng mga haka-haka na babalik na siya sa morning talk show. Gayunpaman, lumabas na ito ay isang farewell episode lamang.

Sa katatapos na Showbiz Update at Youtube vlog ng comedian at talent manager na si Ogie Diaz ay sinabi nitong may mga nagtatanong kung bakit hindi pa bumabalik si Karla sa Magandang Buhay gayong hindi naman nakakuha ng tatlong seat ang kanyang kinabibilangang party list sa Kongreso. Siya ang pangatlong nominado ng Tingog.

Credit: Karla Estrada/Instagram

Ibinahagi ni Ogie na naitanong niya ito kay Karla sa birthday celebration ng ABS-CBN executive na si Cory Vidanes. Sinabi nito na maaari daw siyang humawak ng posisyon sa Department of Tourism.

Ayon kay Ogie, “Sinabi ni Karla na parang bibigyan siya ng pwesto sa Tourism. Kung hindi Usec, Asec… Kasi ‘di ba sa Tourism yung pumwesto ro’n yung parang spokesperson ni VP Inday Sara… so tingnan natin kung matutupad ang pangarap ni Karla na makapagsilbi bilang Usec or Asec ng Tourism, o baka bilang director ng Tourism, parang si Cesar Montano.”

Samantala, bahagi rin si Karla Estrada ng pelikulang Maid In Malacanang na mula sa panulat at direksyon ni Darryl Yap. Gagampanan niya ang role ni Yaya Santa. Kasama rin sa pelikula sina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Ella Cruz, Cristine Reyes, Diego Loyzaga at marami pang iba.

Share this article
Erie Swan