Usap-usapan ngayon ang diumano’y koneksyon ng CEO ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na siya diumanong magiging susi ng network para ma-renew ang prangkisa nito.
Nag-umpisa ang bulung-bulungan nang manalo si Marcos noong Mayo. Nakita diumano si Katigbak sa BBM headquarters sa Mandaluyong. Dahil dito ay lumabas ang mga espekulasyon na pinag-uusapan na ng CEO ng network ang posibilidad na i-renew ang prangkisa sa ilalim ng Marcos administration.
Gayunpaman, walang inilabas na pahayag ang magkabilang kampo tungkol sa nasabing pagpupulong. Base sa artikulo ng entertainment columnist na si Joe Barrameda, may koneksyon sina Marcos at Katigbak. Sinasabing ang kapatid ng huli ay malapit na kaibigan ng President-elect.
Sinabi iyon ni Barrameda nang tanungin niya ang maybahay ni Marcos na si Atty. Liza Araneta-Marcos tungkol sa nasabing pagpupulong. Hindi raw niya alam ang mga bagay na pinag-usapan. Wala rin daw alam si Senator Imee Marcos sa paksang tinalakay subalit sinabi niya na malamang, napag-usapan ng kanyang kapatid at ng big boss ng ABS-CBN ang tungkol sa pag-renew ng prangkisa.
Kung maaalala, si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ang ama ni BBM, ang nag-utos na isara ang ABS-CBN noong panahon ng Martial Law.
Samantala, ang mga frequency na dating inookupahan ng ABS-CBN ay nakatalaga na ngayon sa Advanced Media Broadcasting System (AMBS) na pagmamay-ari ng bilyonarong negosyante at dating senador na si Manny Villar. Sinimulan na ng AMBS ang test broadcast nito noong Hunyo 26. Sinabi naman ng beteranong TV host na si Willie Revillame, na napapabalitang may executive position sa network, na naghahanda na sila para sa paglulunsad ng AMBS.