Nagpadala ng katiyakan si Pope Francis kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipagdadasal niya ito bilang susunod na pinuno ng Pilipinas.
Ang inagurasyon ni Marcos bilang ika-17 na pangulo ng Pilipinas ay gaganapin ngayong araw, Hunyo 30, sa National Museum sa Maynila. Sinabi rin ng kampo ng bagong pangulo na ang pagtitipon ay magiging isang mataimtim, simple, at tradisyonal na kaganapan.
Si Toni Gonzaga, isang aktibong personalidad sa panahon ng kanyang kampanya, ang kakanta ng pambansang awit habang ang kanyang asawang si Paul Soriano ang magiging creative consultant para sa kaganapang ito. Tiniyak naman ni Toni na tutulungan nilang mag-asawa ang administrasyong Marcos sa anumang paraan at kapasidad na kanilang makakaya.
Samantala, nagpadala rin ng mensahe ng panalangin para sa inihalal na pangulo ng bansa si Pope Francis. Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, ipinadala ng Santo Papa ang kanyang “congratulations and cordial wishes” kay Marcos bilang susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Ayon kay Pope Francis, “I’m assuring you of my prayers that you will be sustained in wisdom and strength. I invoke Almighty God’s blessings of peace and prosperity upon the nation.”
Samantala, sinabi naman ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules na maglalagay ng kaukulang tugon ang kapulisan para sa mga magpoprotesta sa araw ng inagurasyon. Maaari silang manatili sa apat na itinalagang freedom park sa Lungsod ng Maynila, katulad ng: Liwasang Bonifacio, Plaza Dilaw, Plaza Moriones at Plaza Miranda.
Ito lamang ang mga lugar kung saan maaari silang magsagawa ng kanilang mga rally at protesta. Sinabi ng director for operations ng PNP na si Major General Valeriano de Leon na dahil magmamasid ang buong mundo ay nais nilang tiyakin na maipatutupad ang kaayusan at disiplina sa araw ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.