Richard Gomez nakiusap na huwag sila i-bash ni Lucy dahil sa pagsuporta kay Pres. Marcos

Ibinahagi ng Congressman ng fourth district ng Leyte at aktor na si Richard Gomez ang kanyang saloobin sa natanggap nilang bashing ng kanyang asawang si Ormoc City Mayor Lucy Torres-Gomez dahil sa suportang ibinigay nila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang mag-asawang politiko ay naging bukas tungkol sa kanilang pagpapakita ng suporta para sa UniTeam sa panahon ng halalan. Ibinahagi pa ni Richard ang larawan habang hawak ang Marcos cup sa isang convenience store.

Credit: Richard Gomez/Facebook

Ayon sa ulat ng Push (Philippines’ Ultimate Showbiz Hub) hindi na inisip ni Richard at Lucy ang mga negatibong reaksyon ng ilang netizens tungkol sa pagsuporta nila kay Marcos.

Paliwanag ni Richard, “Kaya maaga pa lang sinuportahan ko na talaga si BBM. Sabi ko nga huwag niyo na kaming i-bash kasi it’s an election exercise. Kung gusto ninyo manalo ang kandidato ninyo, huwag kami ang tirahin ninyo at ikampanya ninyo maigi ang presidentiable ninyo. Ang sa akin lang, huwag ninyo kaming awayin. Kasi isang boto lang naman ako. And with that, bumaba ang basher namin.”

Credit: Richard Gomez/Facebook

Samantala, ngayong isa na siyang mambabatas ay sinabi ng aktor na gusto niyang makatulong sa showbiz industry. Nakapanood na raw siya ng mga lumang pelikula na hindi pa na-restore at nakakalungkot na hindi gaanong nabibigyan ng pansin ang aspetong ito.

Sa pamamagitan nito, sinabi niya na mahalagang gumawa ng archive ng mga pelikula mula sa pondo ng gobyerno. Isa daw diumano ang Sagip Pelikula ng ABS-CBN sa nagbigay inspirasyon sa kanya para iligtas ang mga lumang pelikulang Pilipino.

Nang tanungin naman kung babalik ba siya sa pag-arte, sinabi ni Richard na mukhang mahirap pero makakahanap siya ng paraan gaya na lang noong ginawa niya ang pelikulang “Three Words to Forever” kasama ang Megastar na si Sharon Cuneta kung saan 90 porsyento ng pelikula ang kinunan sa kanyang bayan sa Ormoc.

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.