Naghain ng panukalang batas si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. na nagmumungkahi na palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Ferdinand E Marcos International Airport.
Ang NAIA ay dating kilala bilang MIA o Manila International Airport. Noong 1987, sa pamamagitan ng Republic Act 6639, ang MIA ay ipinangalan sa yumaong Senador Benigno “Ninoy” Aquino na pinaslang sa paliparan mismo apat na taon bago nito.
Iyon ay sa panahon ng administrasyon ng yumaong Pangulong Corazon Aquino, ang ika-11 Pangulo ng Pilipinas pagkatapos ni Ferdinand Marcos Sr. Gayunpaman, iniulat na ang R.A. 6639 ay pinagtibay nang walang pag-apruba ng ehekutibo.
Si Ninoy ay kilala bilang isang matinding kritiko ng administrasyong Marcos. Ang kanyang pagkamatay ay nagdulot ng sunud-sunod na mga pangyayari na kalaunan ay humantong sa pagpapatalsik sa dating pangulo sa Malacañang.
Ilang taon na ang nakalilipas, may mga nagtangka nang ibalik sa orihinal nitong pangalan ang paliparan ngunit binasura ng Korte Suprema ang petisyon.
Inihain ni Cong. Teves Jr. ang panukalang batas noong Hunyo 30 na humihiling na baguhin ang pangalan ng NAIA. Nalaman lamang ito ng media noong Martes. Ayon sa ulat ng Inquirer, layunin diumano ng mambabatas na ipangalan ang airport sunod sa yumaong Pangulong Marcos Sr.
Sinabi ni Teves sa explanatory note ng House Bill No. 610 na mas nararapat na palitan ito ng pangalan ng taong mas nagkaroon ng ambag sa naturang proyekto.
Binigyang-diin din niya na ang proyektong ito ay itinayo noong administrasyon ng ama ng kasalukuyang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
You may also like: