Cristy Fermin nakatanggap ng mahabang mensahe ng “panunumbat” mula kay Kris Aquino

Ibinunyag ng batikang showbiz reporter at vlogger na si Cristy Fermin na nakatanggap siya ng mahabang mensahe na may matinding “panunumbat” mula sa Queen of All Media na si Kris Aquino.

Kasalukuyang nasa Amerika si Kris upang asikasuhin ang kanyang mga medikal na pangangailangan dahil sa kanyang problema sa kalusugan. Nagpaalam pa siya pansamantala sa kanyang mga tagahanga at social media followers dahil kailangan niyang magpagaling ng tuluyan.

Sa mga maselang kalagayan ni Kris ngayon ay hindi pa rin nagpapigil si Cristy na punahin si Kris. Sa kanyang kamakailang vlog na “Showbiz Now Na” ay nagtataka ang beteranang showbiz columnist kung bakit may oras at lakas pa ang aktres na magpadala ng mahabang mensahe ng “panunumbat” sa kanya.

Credit: Showbiz Now Na/Youtube

Ito ay matapos ipinakita diumano ng anak niyang si Bimby ang isang video sa social media na may pinagdugtong-dugtong niyang komento tungkol sa kanyang mga anak.

Ayon kay Cristy, “Unang pumasok sa aming isip ay bakit pinapanood sa kanya ni Bimby ang pinaghalu-halong vlogs, wala bang nakakapagpayo sa kanyang bunso na matindi ang kanyang sakit at nakakaapekto sa kanyang kondisyon ang stress? Hindi kaya iyon naisip ni Bimby?”

Binigyang-diin din ng showbiz reporter na siya at ang kanyang mga co-host sa kanyang programang Showbiz Now Na at Cristy Ferminute ay walang sinabi laban sa mga anak ni Kris na sina Bimby at Joshua.

Ipinunto rin ni Cristy na kung may oras si Kris na panoorin ang mga pinagdugtong dugtong na vlogs ay dapat na manood na lang siya ng mga programa nila sa Youtube.

Pagbubulgar pa ni Cristy, “Ang kawalan ng komunikasyon nina Phillip Salvador at James Yap ang kanyang idinidiin sa text. Kasalanan pa rin daw ba niya ‘yun?”

Credit: Kris Aquino/Instagram

Ibinahagi ng manunulat na ipinunto ni Kris na maaari namang makipag-ugnayan ang kanyang mga dating karelasyon sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng kanilang mga kaibigan ngunit hindi nila ginawa iyon. Ngunit sinabi ni Cristy na pwede namang babaan ni Kris ang kanyang pride at makipag-ugnayan sa mga dati niyang partner alang-alang sa kanyang mga anak.

“Bakit kami ang kanyang bubulabugin? Malay ba naman namin sa mga detalyeng sinabi niya? Bakit hindi siya gumawa ng hakbang kung talagang kinaaawaan niya sina Josh at Bimby?” Diin pa ng kolumnista .

Sinabi rin daw ni Kris na maaari siyang birahin ni Cristy ngunit dapat ay hindi nito idinadamay ang kanyang mga anak. Ngunit nangatwiran si Cristy at sinabing, “Alam niyo mga ka-chika at mga kapatid, kulang na nga lang magtayo kami ng kulto o relihiyon para mag-imbita ng mga miyembro sa Pilipinas para ipagpatuloy ang pananalangin kay Kris Aquino para maligtasan niya ang kanyang sakit ngayon. Pati po si Josh at Bimby, ikinakambal natin sa panalangin.”

Sa huli ay binatikos niya si Kris dahil sa mga walang basehang banat nito sa kanya nang hindi man lang inaalam kung ano talaga ang totoo.

“Pumasok siya sa laban na hindi niya alam kung ano ang laman,” prangkang tugon ni Cristy.

You may also like:

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.