Gaano ka totoo ang balitang tinanggihan diumano ng Popstar Royalty na si Sarah Geronimo ang offer ng GMA-7 na nagkakahalaga ng P800 million.
Nagsimulang kumalat noong nakaraang buwan ang mga usap-usapan na babalik na si Sarah sa Kapuso network. Nakikipag-negosasyon din daw sa paglipat niya sa GMA 7 ang kanyang mister at aktor na si Matteo Guidicelli.
Bago naging Kapamilya sa loob ng halos dalawang dekada, dati nang nasa Kapuso network si Sarah dahil bahagi siya noon ng Sunday musical variety show na SOP.

Maaalalang napabalita na itinanggi ng source na malapit kay Sarah na totoong lilipat sa GMA ang singer-actress. Binigyang diin din ng Viva Artists Agency, ang talent management firm na humahawak sa career ni Sarah, na babalik ang Popstar Royalty sa Kapamilya Sunday musical variety show na Asap Natin ‘To.
Gayunpaman, wala pang inilalabas na teaser ang ABS-CBN Sunday Variety show tungkol sa nalalapit na pagbabalik ng Popstar Royalty.

Sa isang artikulo naman kamakailan ng Balita.net.ph, sinabi nitong ibinunyag ng isang assistant ni Sarah na inalok ang aktres ng kontrata na nagkakahalaga ng P600 milyon hanggang P800 milyon. Ang kontratang ito diumano ay para lamang sa limang taon.
Sinabi rin na sa kasaysayan ng GMA-7, ito na ang pinakamataas na halaga ng kontrata na inialok ng network sa isang talent. Sa kabila ng malaking halaga, hindi pa rin daw nakumbinsi ng Kapuso network si Sarah na lumipat.
Samantala, habang isinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa nagsasalita ang Popstar Royalty tungkol sa isyung ito.
You may also like: