Ibinahagi ng Kapamilya actress na si Angelica Panganiban ang kanyang mga larawan habang emosyunal na nagkukuwento tungkol sa kanyang pakiramdam nang pagiging kumpleto simula ng siya ay nagdalang-tao.
Nasa yugto na ngayon ng kanyang buhay si Angelica kung saan ibang klaseng kaligayahan diumano ang kanyang nararamdaman. Noong nakaraang Marso ay inihayag niya ang kanyang pagbubuntis sa kanyang non-showbiz partner na si Gregg Homan. Ibinahagi ng aktres sa kanyang unang vlog na matagal na nilang pinaplano ni Gregg na magka-baby bago dininig ang kanilang mga panalangin.

Ngayon, ine-enjoy ni Angelica ang kanyang pagbubuntis at ang mga panahong kasama niya ang kanyang nobyo. Sa kanyang Instagram post kamakailan ay ibinahagi ng aktres ang kanyang mga larawan na nagpapakitang nakangiti ngunit may kasamang tears of joy.
Ibinahagi ni Angelica na kuha ang mga larawan habang siya ay nakaupo sa loob ng nursery room na kanilang pinapagawa para sa pagdating ng kanilang anak.
Ayon kay Angelica, “Habang nakaupo sa binubuong nursery… bigla na lang akong naiyak.. napaka overwhelming ng lahat ng ito. Ganito pala ang pakiramdam ng makumpleto ka. Kahit mahirap, kahit nakakapagod, kahit nakakatakot, hindi ka pala magdadalawang isip magbigay lang ng magbigay.”

Binigyang-diin din niya ang kanyang reyalisasyon tungkol sa pagmamahal ng isang ina. “Ang sarap makaramdam ng purong pagmamahal. Ganito pala yung pagmamahal ng ina. Abot langit ang pasasalamat sa lahat lahat.”
Nagpakita naman ng kanilang pagmamahal at suporta ang mga kaibigang celebrities ni Angelica katulad nina Alyssa Valdez, Camille Prats, Bea Alonzo, Melai Cantiveros at Jodi Sta. Maria.
Isang heartwarming comment ang isinulat ng Kapuso actress na si Bea sa isa sa mga malalapit niyang kaibigan sa showbiz. “I’m so happy for you, Angge. You deserve all the love and happiness.”
Sinabi naman ng aktres at host na si Camille na nakatrabaho ni Angelica noong child star pa sila na walang kapantay ang pakiramdam ng pagiging isang ina.
Sinang-ayunan naman ito ni Melai at sinabing, “Amen twinny sobra sarap.”

Related article: