Naghahanap diumano ng bagong hospital na mapaglilipatan para magpagamot ang aktres at TV host na si Kris Aquino ayon sa kolumnistang si Cristy Fermin.
Sa nakaraang artikulo ay ibinunyag ni Kris na mananatili sila ng kanyang mga anak sa Amerika at ang pangunahing layunin nito ay para sa kanyang pagpapagamot.
Inihayag niya na bukod sa kanyang pambihirang sakit na autoimmune, na-diagnose din siya na may Eosinophilic granulomatosis with polyangiitis (EGPA), isang pambihirang uri ng vasculitis at ayon sa doktor ni Kris na si Dr. Niño Gavino ay “life-threatening” kapag hindi naagapan.
Sinabi din ni Cristy na malamang na gumastos ng halos isang bilyon si Kris para sa kanyang pagpapagamot.

Simula naman nang magpunta si Kris kasama ang kanyang mga anak na sina Joshua at Bimby sa US ay bihira nang makatanggap ng updates ang kanyang mga tagahanga mula sa kanya. Pansamantala kasi siyang huminto sa pagbibigay ng mga update tungkol sa kanyang kalusugan.
At sa pinakahuling episode ng palabas ni Cristy na Showbiz Now Na ay ibinahagi nito na kasalukuyang naghahanap si Kris ng bagong ospital kung saan siya maaaring magpatuloy sa kanyang pagpapagamot.
Ayon kay Cristy, “Nagkakaroon naman ng problema ngayon si Kris Aquino sa Houston. Tulad nung sinabi niya na nabasa natin, meron daw silang mga inaalala na magaganap sa Houston na nangyari nga, yung hindi nagtagumpay, na hindi nasunod. Hanap daw sila ngayon ng bagong ospital na paglilipatan niya. Daw.”

Medyo naguluhan naman si Cristy sa sinabi ni Kris sa mga tao noon na nakahanap na siya ng ospital kung saan naroroon ang pinakamahuhusay na doktor na pwede gumamot sa kanya.
Dagdag pa ng batikang showbiz reporter, “Samantalang ang sabi niya doon sa kanyang report noong una, andun ang mga pinaka-dalubhasang mga doktor na makatutunton sa kanyang sakit kung saan nagmumula. Bakit ngayon ganito na naman? Di ba? Iba na naman ang kwento.”
“Hintayin po natin kung anong susunod na kwento naman na palulutangin ni Kris Aquino dahil baka kung i-text niya ‘yan, iba na naman ang kanyang iniisip at baka hindi naman ganun ang ibig niyang sabihin.”
Nagbigay naman si Cristy ng suhestiyon na bakit hindi nalang pumunta si Kris sa doktor ni Zoe Taberna sa Singapore at baka daw sakaling gumaling pa ang aktres. Si Zoey ay anak ng batikang brodkaster na si Anthony Taberna na gumaling sa sakit na kanser.
Related article: