Imee Marcos “naiinis” kay Cristine Reyes

Sinabi ni Senator Imee Marcos na nakaramdam siya ng “inis” sa aktres na si Cristine Reyes dahil sa partikular na kadahilanang ito.

Ginagampanan kasi ni Cristine ang karakter ng Senadora sa pelikulang Maid in Malacanang sa ilalim ng Viva Films. Ito ay mula sa panulat at direksyon ni Darryl Yap. Sa nakaraang panayam ay ibinahagi ng aktres ang nangyari sa unang pagkikita nila ng mambabatas.

Sinabi ni Cristine na talagang observant siya sa mga galaw ng Senadora dahil gusto niyang i-portray ang karakter sa abot ng kanyang makakaya. Kamakailan lang ay ipinalabas ang official trailer ng Maid in Malacanang at umani ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.

Sa ginanap na press conference kamakailan para sa pelikula ay dumalo si Sen. Imee sa cast. Ibinahagi niya ang kanyang reaksyon sa pagganap ni Cristine sa pelikula, base sa artikulo sa Bandera. Aminado ang mambabatas na “naiinis” siya sa aktres.

“Naiinis nga ako rito kay Cristine ang galing manggaya. Ang creepy na nga ng dating dahil pati ‘yung pangit na paglalakad ko gayang-gaya niya,” pagbubulgar ng senadora.

Credit: Bobby Requintina/Facebook

Natawa si Cristine sa komentong ito ng mambabatas tungkol sa pagganap niya sa pelikula. Nagpasalamat din ang aktres kay Sen. Imee dahil sa todo-todo na suporta sa kanya habang nagsu-shooting sila para sa pelikula. Ibinahagi pa ni Cristine na ipinahiram sa kanya ni Sen. Imee ang puting damit na suot niya sa media conference.

Samantala, bukod kay Sen. Imee ay umani rin ng papuri si Cristine mula sa direktor ng pelikula. Inamin ni Direk Darryl na fan na siya ngayon ng aktres.

Ayon kay Direk Darryl, “Super fan na talaga ako ni Cristine dahil sa galing niya sa ginawa naming pelikulang ito. Ibang klase ang ipinakita niya rito.”

Ang Maid in Malacanang ay ipapalabas sa Agosto 3. Kasama rin sa pelikula sina Ruffa Gutierrez, Cesar Montano, Ella Cruz, Diego Loyzaga, Elizabeth Oropesa, Beverly Salviejo, Karla Estrada at Robin Padilla.

You may also like:

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.