Joel Lamangan gagawa ng pelikulang kukontra sa pelikula ni Darryl Yap

Nangako ang beteranong direktor at martial law victim na si Joel Lamangan na gagawa ng pelikula para kontrahin ang “Maid in Malacañang” ng kontrobersiyal na direktor na si Darryl Yap.

Sa ML@50 campaign launch sa Quezon City Sports Club ay ipinahayag ni Direk Joel ang kanyang pagkadismaya sa pelikula ng Viva na pinagbibidahan nina Ruffa Gutierrez, Cesar Montano, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, at marami pang iba.

Ayon pa sa kanya, “Nakita ko noong panahon namin kung papaano sinasalamin ang lahat ng katarantaduhang ginagawa ng rehimeng Marcos.”

Pinasinungalingan din ng direktor ang paggamit ng mga sulo ng mga anti-Marcos nang sumugod sila sa Malacañang.

“Ang mga tao daw na nagpunta sa Malacañang ay naka-sulo. Wala naman kaming sulong ‘nung araw. Wala namang sulo. Hindi naman totoo ‘yun. Ano iyon, lamay?” Dagdag pa niya.

Sinabi ni Direk Joel na maghahanap siya ng producer na pupusta sa gagawin niyang pelikula para labanan ang pelikula ni Direk Darryl. Ngunit pinangunahan na niya na mahirap maghanap ng producer na susugal sa isang pelikulang pulitika ang tema.

“Hanap lang tayo ng producer. Kapag pinag-uusapan po pera, napakahirap, lalo na sa pulitika ang iyong sasabihin. Maraming ayaw po, iyon ang totoo,” prangkang tugon ng direktor.

Hinimok din niya ang mga artista na huwag manahimik at sa halip ay manindigan para sa kasaysayan. Si Direk Joel ay gumagawa rin ng mga pelikula sa VivaMax katulad ni Direk Darryl.

Related articles:

Share this article
Erie Swan