Tinapos ng komedyanteng si Herlene Budol o mas kilala bilang si Hipon Girl, ang kanyang Binibining Pilipinas journey bilang 1st runner-up sa beauty pageant.
Sa ginanap na coronation night kagabi sa Araneta Coliseum ay natupad ni Herlene ang kanyang mga pangarap na makasali sa isa sa pinakaprestihiyosong pageant sa bansa.

Hakot Queen din si Herlene dahil sa dami ng special awards na nakuha nito, kabilang diyan ang Binibining Pizza Hut, Binibining Kumi, Binibining World Balance, Binibining Shein, Binibining Silka at Jag Queen.
Tinupad din niya ang pangakong magsalita ng wikang Filipino sa pageant.

Sa pag-anunsyo ng Top 12 ay tinanong ng mga host na sina Nicole Cordoves at Catriona Gray ang Top 12 kung paano nila nakikita ang bansa sa susunod na anim na taon.
Sinabi ni Herlene na sisterhood ang natutunan niya sa pageant kaya hiniling niya na magkaisa ang mga Pilipino.
Ayon sa kanya, “Kapatiran o sisterhood, yan ang aking natutunan ko sa Binibining Pilipinas na itinuro sa amin ni Miss Universe Pia Wurtzbach na kailangan nating magkaisa lalong-lalo na para sa ating bansa. Walang kulay ang makakapagbuklod sa atin kung hindi isang kulay lang ang dapat mamayagpag, yan ang kayumanggi, kulay ng ating lahi.”

Tanong naman kay Herlene sa Top 12 Q & A: “What has been your biggest transformation since you joined and how could this make you deserving of a crown tonight?”
Sagot niya: “Para sa akin, isang karangalan na nakatungtong ako dito sa Binibining Pilipinas bilang isang binibining hindi inaasahan. Para sa akin, ang sarap pa lang mangarap. Walang imposible. Isa po akong komedyante na laki sa hirap at ang aking transpormasyon ay nagbibigay ng inspirasyon because I know for myself that I am uniquely beautiful with a mission.”
Sa kasalukuyan ay trending pa rin si Herlene sa Twitter na halos mayroon nang 8K tweets.
Related article: