Carmelite Sisters nag-react sa mahjong scene ni Cory at mga madre sa Maid in Malacañang

Nag-react ang Sisters of the Carmelites Monastery of Cebu sa paglalarawan ng Maid in Malacañang sa mga madre sa isang eksena kasama si “Cory”.

Kumalat sa social media ang mga larawan na nagpapakita ng eksena kung saan naglalaro ng mahjong si “Cory,” na ginagampanan ng komedyante at host na si Giselle Sanchez, kasama ang mga madre at hindi ito nagustuhan ng maraming netizens.

Binatikos ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Cory Aquino ang nasabing eksena sa pelikula ng direktor at writer na si Darryl Yap. Para sa kanila, ito ay hindi lamang isang pagbaluktot ng kasaysayan kundi isang ring pambabastos sa mga madre.

Sa kamakailang video na ipinost sa Facebook Page ng SunStar Cebu ay naglabas ng pahayag ang Carmelite Sisters bilang kanilang reaksyon sa nasabing eksena sa pelikula. Sa pamamagitan ni Monsignor Joseph Tan ng Archdiocese of Cebu ay nilinaw ng mga madre ang kanilang paninindigan.

Credit: Giselle Sanchez/Facebook

Binigyang-diin ng mga madre na hindi sila tinanong ng production team ng Maid in Malacañang kung ano ang nangyari noong panahong iyon nang kinanlong nila si Cory sa monasteryo nang dumating ito sa Cebu matapos sumiklab ang People Power noong Pebrero 1986.

Nilinaw din nila na ang kanilang pangunahing bokasyon ay ang ipagdasal ang mga nangangailangan kaya naman wala na halos diumano silang oras para maglibang tulad ng paglalaro ng mahjong. Naalala rin ng mga madre na noong kasama nila ang dating Pangulo, sila ay nag-aayuno at nagdarasal bilang kanilang kontribusyon para makatulong sa pagresolba ng kaguluhan sa pulitika noong panahong iyon.

Credit: Inquirer

Sinabi rin ni Monsignor Tan na ang mga Sister ay para sa pagkakaisa ng lahat at nais nilang patuloy na ipagdasal ang lahat. Sa kanyang personal na opinyon, sinabi ni Monsignor Tan na dapat matuto ang mga tao na tingnan ang mga bagay ayon sa kanilang genre.

Idiniin din niya na malinaw naman na ang pelikula ay isang “historical fictionalization.” Para sa kanya, bagama’t ito ay maaaring batay sa mga lugar at kaganapan sa kasaysayan, mayroon pa ring tiyak na dami ng mga pagbabago na maaaring hindi tumpak ang mga detalye gaya ng naunang sinabi.

Hiniling din ni Monsignor Tan sa publiko na huwag mag-overreact sa sitwasyon at hinimok ang mga netizens na panoorin muna ang pelikula.

Related articles:

Share this article
Erie Swan