Ibinahagi ng award-winning actor na si Cesar Montano ang kanyang komento sa acting performance ng kanyang anak na si Diego Loyzaga sa pelikulang Maid in Malacañang.
Ito ang unang proyektong magkasama ang mag-ama. Sa isang nakaraang panayam ay pareho nilang ipinahayag na pareho silang excited sa kanilang unang proyekto na magkasama.
Si Cesar ang gumaganap bilang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., habang si Diego naman ang gumaganap sa kasalukuyang Presidente Bongbong Marcos Jr. Nang ipalabas ang official trailer ng pelikula ay maraming manonood ang namangha sa chemistry ng mag-ama.

Base sa artikulo sa GMA Entertainment, sa isang panayam kamakailan ay nagpahayag ng pagmamalaki si Cesar sa nakita niya sa kanyang anak habang gumagawa sila ng pelikula.
Ayon sa kanya, “Diego was a revelation!… Magaling ‘to. Magaling ding umiyak. Magaling. Sabi ko, ‘Aba!”
Samantala, sa isang panayam sa Youtube channel ng host at manunulat na si Daphne Oseña ay nagbigay ng mga rebelasyon si Direk Darryl Yap tungkol kay Cesar. Sinabi ng direktor at manunulat ng Maid in Malacañang na lahat ng eksena ng batikang aktor ay “take one” lang.

Ibinunyag din ni Direk Darryl na pagkatapos ng mga eksena nila ni Cesar ay hindi na niya sinasabing “cut” bagkus papalakpak na lamang siya para malaman ng lahat na tapos na ang eksena at paraan rin niya ito ng pagpuri sa akting ng aktor.
Idinagdag din ni Direk Darryl na hanggang sa ngayon ay mayroon pa ring goosebumps kapag naalala niya si Cesar dahil sa kapansin-pansing paggaya nito sa dating Pangulo.
You may also like: