Ibinunyag ng kontrobersyal na writer at direktor na si Darryl Yap kung paano siya itinulak ng EDSA Anniversary na gawin ang pelikulang “Maid in Malacañang.”
Si Direk Darryl ay isa sa mga showbiz personalities na sumuporta at nangampanya para sa UniTeam nina President Ferdinand “Bongbong” Marcos, at Vice President Sara Duterte-Carpio.
Kilala rin ang direktor sa paggawa ng mga viral video sa social media na itinatampok ang political satire. Ang mga video na ito ay walang alinlangan na naging trending sa social media at sa kasalukuyan ay mga naipon na milyun-milyong views sa iba’t ibang platform.
Pagkatapos ng eleksyon ay nagpahiwatig kaagad si Direk Darryl sa pelikula na gusto niya i-pitch sa Viva Films. At ito nga ang huling 72 oras ng mga Marcos sa Malacañang. Blockbuster hit ngayon ang Maid in Malacañang at nagsimula na ang screening sa iba’t-ibang bansa.

Samantala, sa isang kamakailang video na ipinost sa Tiktok account ni @Trader4242 na kuha sa isang media conference, ibinunyag ni Direk Darryl ang rason na nag-udyok sa kanya na gumawa ng pelikula tungkol sa mga Marcos.
Aniya, noong panahon ng kampanya, eksaktong Pebrero 25, nasa mansion siya ng mga Marcos sa San Juan. Ang nasabing petsa ay anibersaryo din ng EDSA. Sinabi niya na nagulat siya noong araw na iyon nang maraming tao ang nagsimulang dumating.

Nalaman niyang ang mga iyon ay dating kasambahay, dating driver, at kamag-anak ng mga nanungkulan sa Malacañang noong administrasyon ni dating Pangulong Marcos. Sinabi rin ni Direk Darryl na tuwing Pebrero 25, kapag nagdiriwang ang mga tao sa Highway 54 o EDSA ay nagtitipon-tipon naman sa San Juan ang pamilya Marcos at ang mga nagtrabaho sa kanila sa Malacañang noong araw.
Ayon kay Direk Darryl, “Alam niyo kung ano ang sini-celebrate nila sa San Juan? Sa araw ng EDSA? EDSA Survivor day.”
“Nag-iiyakan, inaalala ang nangyari sa kanila sa loob ng Malacanang,” dagdag pa niya.
Nang makita diumano ni Direk Darryl ang eksenang ito ay sinabi niya na imposibleng hindi siya gumawa ng pelikula tungkol dito. Aniya, ang Pebrero 25 ay isang selebrasyon para sa mga nakaligtas sa nangyari sa loob ng Palasyo.
“Iyon ang totoong dahilan kung bakit mayroon tayong Maid in Malacañang,” pagtatapos pa ni Direk Darryl Yap.
Related article: