Manny Pacquiao at Chavit Singson, nagkabati na

Sa wakas ay nagkasundo na ang boxing legend at dating senador na si Manny Pacquiao at ang politiko na si Chavit Singson.

Sa maraming laban ng boxing legend, isa sa mga personalidad na palaging naroroon para suportahan ang laban niya ay ang dating mayor ng Narvacan, Ilocos Sur na si Chavit Singson. Gayunpaman, sa huling laban ni Pacquiao, ang Pacquiao-Ugas fight, hindi na dumalo si Singson dahil nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan nilang dalawa ng kaibigan.

Ang hindi nila pagkakaunawaan ay dahil sa pagtaas ng buwis sa tabako na itinutulak ni Pacman noong siya ay senador pa. Kinausap siya ni Singson tungkol sa bagay na ito dahil ang isa sa pangunahing pinagkukunan ng kita sa Ilocos ay mula sa industriya ng tabako.

Credit: Ritchelle Singson-Michael/Instagram

Hindi napagbigyan ni Pacman ang apela ni SIngson dahil naniniwala siyang isa lamang itong bisyo. Ang mahalaga sa kanya noon ay hindi madagdagan ang buwis sa bigas at iba pang pangangailangan sa pagkain.

Ayon pa kay Pacman, “Kinausap niya ako sa tobacco tax increase. Huwag ko daw ituloy. Pero sabi ko, ‘Pasensiya ka na. Best friend kita pero hindi kita mapagbibigyan.”

Credit: Ritchelle Singson-Michael/Instagram

Dahil rin sa hindi pagkakaunawaan na ito ay hindi sinuportahan ni Singson si Pacquiao noong nakaraang halalan. Sa halip ang sinuportahan ni Singson ay ang karibal ni Pacman na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang kanyang running mate na si Sara Duterte, na ngayon ay kasalukuyang presidente at bise presidente ng bansa.

Pero parang nalampasan na nilang dalawa ang mga isyu nila noon. Kamakailan lang ay nagbahagi si Ako Ilocano Ako Party List Representative Richelle Singson-Michael, anak ni Chavit, ng larawan ng kanyang ama kasama ang boxing legend na nagpapakitang naayos na nila ang kanilang gusot.

Ayon pa sa caption ni Richelle, “Because Friendship is stronger than Politics.”

READ ALSO:

Share this article
Erie Swan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *