Tito, Vic at Joey ang tunay na may-ari ng ‘Eat Bulaga’ trademark ayon sa IPO

Ang mga television host na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon ang tunay na nagmamay-ari ng trademark para sa “Eat Bulaga.” Ito ang naging desisyon ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPO), dahil kinansela nito ang certificate of registration na nagpapahintulot sa Television and Production Exponents Inc. (TAPE) ) upang gamitin ito.

Sa isang desisyon noong Lunes, Disyembre 4 na isinapubliko noong Martes, ay pinagbigyan ng IPO ang petisyon na inihain ng tatlong host — na tinatawag na “TVJ” — upang kanselahin ang certificate of registration na inisyu sa TAPE noong 2013.

Noong nakaraang Mayo ay nagbitiw sa production company ang mga long-time host ng “Eat Bulaga” dahil isa sa mga dahilan nila ang kawalan ng tiwala sa bagong management. Di-nagtagal, pumirma sila ng kontrata sa Mediaquest Group at ginawang bagong tahanan ang TV5. Nanatiling matatag ang tatlo sa pagpapanatili ng titulong “Eat Bulaga!” para sa kanilang bagong palabas sa TV5, bagama’t kasalukuyang tinatawag itong “E.A.T.”

Sa kanilang petisyon bago ang IPO, pinanindigan ng tatlo na sila ang tunay na may-ari ng “Eat Bulaga” trademark at sila ang may “absolute at exclusive right” para irehistro ito.

Ayon pa sa kanila, alam ng publiko na ang pangalan ng show ay nanggaling kay Joey de Leon. Idinagdag nila na nagsimula silang gumamit ng “Eat Bulaga” hindi lamang noong bago nairehistro ng TAPE ito noong 2013, ngunit kahit na ang programa ay ginawa pa ng Production Specialists, Inc. at bago ang incorporation ng TAPE noong 1981.

Ikinatuwiran din ng mga host na sa loob ng 44 na taon nila sa show ay naitatag nila ang kanilang reputasyon bilang may-ari ng tatak na “Eat Bulaga”.

“Based on the foregoing, respondent-registrant TAPE Inc.’s registrations should be cancelled and they should be disallowed from using the marks ‘Eat Bulaga and EB’ and ‘EB’ in commerce and media as this amounts to riding on the goodwill that petitioners TVJ has built over the years,” ayon pa sa kanilang petisyon.

Nakakita ng merito ang IPO sa mga argumentong ito na sinasabing pinatunayan ng TVJ na sila ang may-ari ng pinagtatalunang pangalan.

“Petitioners’ explanation or story on how initially the idea of the EAT BULAGA mark came about did seem believable and credible,” ayon pa sa IPO.

Idinagdag nito na hindi pinabulaanan ng TAPE ang pahayag kung paano ginawa ng TVJ ang termino bilang pamagat para sa variety show.

“Having sufficiently established how petitioners coined the EAT BULAGA mark, it is petitioners and not respondent-registrant who owns the mark,” dagdag pa ng IPO.

READ NEXT:

Share this article
Rina Faye
Rina is a lifesaver turned passionate writer. She also loves the not-so-finer things in life.